1. ANO ANG SEPTAGE MANAGEMENT?
Ang septage management ay isa sa mga programa ng gobyerno (kautusan mula sa Supreme Court) na ipapatupad ng lokal na pamahalaan sa tulong ng Dinalupihan Water District upang pamahalaan ang mga septic tank kasama na ang pagsipsip o pag-alis ng laman bawat limang taon. Kasama na ang paghakot, pagdidisimpekta at pagtapon ng septage sa maayos na pamamaraan.

 

2. BAKIT KAILANGAN NG SEPTAGE MANAGEMENT?
Ang maruming tubig mula sa iyong banyo ay maaaring mahawahan ang balon at iba pang mga mapagkukunan ng tubig ng iyong pamilya at pamayanan. Sa pamamagitan ng regular na pagsipsip nito, maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit tulad ng pagtatae at kolera.

 

3. MAYROON BANG BATAS UKOL DITO?
Ayon sa Clean Water Act of 2004, Isa ang Bataan sa mga probinsya na  dapat magpatupad ng Septage Management Program sa lahat ng mga lugar na walang sewerage system.

Sa pamamagitan ng ordinansa ng Sangguniang Bayan (Municipal Ordinance No. 06-2017 o “Sewage and Septage Ordinance of the Municipality of Dinalupihan, Bataan), ang lahat ng mga residente at establisyemento ng pamahalaan, komersyal at industriyal sa Dinalupihan, maliban nalang sa mga may mga aprubadong sariling Wastewater Treatment Facilities, ay kailangang magpa-desludge ng kanilang septic tank bawat limang taon.

 

4. ANO ANG MULTA AT PARUSA PARA SA MGA LALABAG SA ORDINANSA?
Ang sinumang may-ari o gumagamit ng mga istraktura ng tirahan, komersyal, pang-industriya, pang-gobyerno, at pang-institusyon na hindi sumunod sa mga probisyon ng Ordinansa na ito ay magkakaroon ng mga sumusunod na multa at parusa para sa mga paglabag:

Residential homeowners:

     

      • First Offense– Pagdalo sa isang seminar sa programa ng pamamahala ng septage ng munisipyo at Pagtanggap ng Notice of Violation (NOV);

      • Second Offense – Pagmumulta ng P500.00 at pagsasagawa ng serbisyong pangkomunidad na nauugnay sa kapaligiran;

      • Succeeding Offenses – Pagmumulta ng P1,000.00 at/o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang araw ni hindi hihigit sa anim na buwan, o parehong pagmumulta at pagkakakulong sa paghuhusga ng korte, at pagsasagawa ng serbisyong pangkomunidad na nauugnay sa kapaligiran.

    Business owners:

       

        • First Offense- Pagmumulta ng P1,000.00, pagtanggap ng Notice of Violation (NOV) at pagdalo sa isang seminar sa programa ng pamamahala ng septage ng munisipyo at;

        • Succeeding Offenses – Pagmumulta ng P2,500.00 at/o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang araw ni hindi hihigit sa anim na buwan, o parehong pagmumulta at pagkakakulong sa paghuhusga ng korte, at pag-issue ng Cease-and-Desist Order (CDO) tulad ng tinutukoy dito.

      5. ANO ANG MGA TAMANG KATANGIAN NG SEPTIC TANK PARA ITO AY MAGING EPEKTIBO?

          1. SELYADOMahalagang selyado ang ilalim ng septic tank para hindi sumipsip sa lupa at sa water table ang laman nito.
          2. MAY BUKASAN. Hindi dapat liliit sa .5m x .5m ang bukasan para madaling makokolekta ang laman ng septic tank.
          3. MAY 2-3 KUMPARTAMENTO. Sa unang kumpartamento naiipon ang solid/buo-buong dumi na dapat ay regular na kinokolekta. Sa pangalawa at pangatlong kumpartamento higit pang nalilinisan ang maruming tubig.

        1.  

        6. PAANO KUNG WALANG BUKASAN ANG SEPTIC TANK?
        Dapat accessible ang lahat ng mga septic tank. Walang istraktura ang itatayo sa tuktok ng anumang septic tank.

        Ang mga may-ari o gumagamit ng septic tank na hindi naa-access ay dapat itong ipaayos, i-remodel, i-upgrade o palitan ng bago na maaaring idirekta ng Municipal Building Official upang matiyak ang kakayahang ma-access at mapa-desludge ito at masiguradong naaayon ang mga tangke ng septic sa mga pamantayan sa loob ng sumusunod na timeline sa bisa ng Ordinansang:

                                – isang (1) taon para sa istruktura ng komersyal, pang-industriya, institusyonal, at pampamahalaan;

                                – dalawang (2) taon para sa residential

         

        7. SINO ANG MAG IINSPEKSYON NG MGA SEPTIC TANK BAGO ITO IDESLUDGE?
        Ang mga Sanitary Inspectors kasama ang mga opisyal ng barangay na pinahintulutan ng Municipal Building Official at DWD ang maaari lamang mag inspeksyon at magbukas ng septic tanks.

         

        8. SINO ANG MAG-DEDESLUDGE AT MAGLILINIS NG SEPTIC TANK?
        Ang Dinalupihan Water District (DWD) ay may kinontratang kumpanya. Ito ay lisensyado sa pag-alis ng laman at pagsipsip ng mga septic tank. Ang nasabing kumpanya ay aprubado ng Department of Health at ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau upang magbigay ng mga naturang serbisyo.

         

        9. TUWING KAILAN ANG PAPAPA-DESLUDGE NG SEPTIC TANKS?
        Isang beses bawat limang taon o kung ang dami ng sludge ay nasa 3/4 ng kabuuang dami ng septic tank, kung ano man ang mauna.

         

        10. PAANO MALALAMAN ANG SCHEDULE?
        Magbibigay ang DWD ng paunawa tungkol sa iskedyul sa inyong lugar. Siguraduhin na ang isang tao ay nasa iyong bahay sa naka-iskedyul na oras upang idesludge ang septic tank.

         

        11. MAAARI BANG IPA-DESLUDGE ANG SEPTIC TANK KAHIT NA WALA ITO SA ISKEDYUL LALO NA SA MGA HINDI CONCESSIONAIRES NG DWD?
        Maaari kang humiling kahit wala sa iskedyul na pagsipsip ng iyong septic tank sa pamamagitan ng pagtawag sa DWD Customer Service Hotline.

         

        12. PAANO ANG PAGBABAYAD SA SERBISYONG ITO?
        Para sa mga concessionaires ng DWD, ang bayad sa pagpapa-desludge ay hahatiin sa loob ng limang taon. Ito ay isasama sa monthly water bill.